“Magiging Ninoy Aquino Jr. ka…”
Binalaan ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magaya ito kay dating Senador Ninoy Aquino kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas.
Sa kaniyang speech sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands nitong Linggo, Marso 23, na inulat ng Manila Bulletin, ibinahagi ni VP Sara na tuwing binibisita niya si FPRRD sa detention center ng ICC, lagi nitong tinatanong kung maiuuwi siya sa Pilipinas.
Nais ni FPRRD, anang bise presidente, na umuwi ng bansa upang mangampanya sa darating na halalan kung saan kumakandidato siya bilang alkalde ng Davao City.
“Yun ang gusto niya, gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kaniya yun, ‘Pa, sabi ko, ‘yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka’,” ani VP Sara.
“At sinabi niya sa akin, sabi niya, ‘Kung ganiyan ang kapalaran ko, then so be it. Basta lang mauwi ako sa Pilipinas’,” dagdag niya.
Matatandaang noong Agosto 1983 nang barilin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Aquino, na kilalang hayagang kritiko ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., matapos ang 3 taong exile niya sa United States.
Samantala, inamin ng bise presidente na nag-aalala siya sa kaligtasan at seguridad ni FPRRD, ngunit lagi raw nitong pinipilit na iuwi siya ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, ‘ipagpapasa-Diyos’ na ang kaniyang kapalaran – VP Sara
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD