Tumanggi si Senate President Chiz Escudero na magkomento sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na maaaring magaya si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Senador Ninoy Aquino kung makakauwi ito sa Pilipinas, dahil tila magkasalungat umano ang mga pahayag nito lalo na’t una na nitong sinabing maaaring hindi na makabalik ng bansa ang kaniyang ama.
“I don't want to comment on any speculation dahil yung pagbabalik pa lang malaking question na ‘yan dahil sinabi rin niya sa parang interview, hindi ba, na hindi na makakabalik tapos biglang babalaan niya kung bumalik,” ani Escudero sa isang press conference nitong Lunes, Marso 24.
“Ayokong magkomentaryo sa nagbabaliktarang mga opinyon kaugnay sa bagay na ‘yan.”
Dahil dito, anang Senate president, hihintayin na lamang daw niya kung talagang magaganap ang naturang pahayag ng bise presidente.
“Hintayin ko na lang kung talagang magaganap ‘yan,” aniya.
“In short, how can she say she warned her dad that if he comes back this might happen when she herself is saying that he will not be able to come back anymore?” saad pa ni Escudero.
Matatandaang sa kaniyang speech sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa The Hague, Netherlands nitong Linggo, Marso 23, ibinahagi ni VP Sara na tuwing binibisita niya si FPRRD sa detention center ng ICC, lagi nitong tinatanong kung maiuuwi siya sa Pilipinas. Ngunit binalaan daw niya ito na baka magaya kay Aquino kung uuwi ito ng bansa.
MAKI-BALITA: VP Sara, binalaan si FPRRD na baka magaya kay Ninoy Aquino kung uuwi ng PH
Bago ito, noong Huwebes, Marso 20, nang sabihin ng bise presidente na aminado siyang maaaring hindi na mababalik sa Pilipinas si FPRRD.
“Sa totoo lang wala akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas,” saad ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, ‘ipagpapasa-Diyos’ na ang kaniyang kapalaran – VP Sara
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD