Kinumpirma ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na hindi nila sasamahan ang MANIBELA sa ikinasa nitong tatlong araw na transport strike mula ngayong Lunes, Marso 24 hanggang 26, 2025.
Sa panayam ng Teleradyo Serbisyo kay PISTON president at senatorial aspirant Mody Floranda, sinabi niyang bagama't hindi umano sasama ang kanilang hanay sa transport strike, nirerespeto naman umano nila ang naturang aksyon ng MANIBELA.
"Sa akin nirerespeto natin ang pagkilos ng ating mga kasama sa hanapbuhay," ani Floranda.
Nilinaw rin ni Floranda na mayroon umano silang naging kasunduan ni Department of Transportation (DOTr) Vince Dizon hinggil sa naging palugit nila sa ahensya upang maglabas ng bagong resolusyong tutugon sa kanilang panawagan.
"Katatapos lang ng ating pakikipag-usap sa secretary ng DOTr na si Secretary Vince Dizon na kung saan ating inilatag yung ating kahilingan na pagbabalik sa limang taon ng ating prangkisa at payagan tayong makapagrehistro ng pampublikong transportasyon," ani Floranda.
Dagdag pa niya, "Sinabi na natin sa kaniya na dapat ibasura ang programa dahil nakita nating palpak at nagdulot ng pagkawala ng kabuhayan at hirap sa ating commuters… Sinabi naming bibigyan siya ng two weeks para maglabas ng resolution kung anong magiging sagot ng DOTr sa inilatag naming posisyon."
Matatandaang nauna nang igiit ng grupong MANIBELA na naninindigan sila sa pagtutol laban malawakang jeepney phaseout dulot ng sapilitang jeepney consolidation kaugnay ng programa ng pamahalaan sa PUV modernization.
KAUGNAY NA BALITA: DOTr, makikipagdayalogo sa MANIBELA sa nakaambang 3-day transpo strike