Iginiit ni labor-leader Atty. Luke Espiritu ang mga pagkakaiba umano nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Senador Ninoy Aquino matapos ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na baka magaya raw ang kaniyang ama sa nangyari sa dating senador kung makauwi ito sa Pilipinas.
Matatandaang sa kaniyang speech sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa The Hague, Netherlands nitong Linggo, Marso 23, ibinahagi ni VP Sara na tuwing binibisita niya si FPRRD sa detention center ng ICC, lagi nitong tinatanong kung maiuuwi siya sa Pilipinas. Ngunit binalaan daw niya ito na baka magaya kay Aquino kung uuwi ito ng bansa.
MAKI-BALITA: VP Sara, binalaan si FPRRD na baka magaya kay Ninoy Aquino kung uuwi ng PH
Inalmahan naman ni Espiritu ang naturang pahayag ni VP Sara sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Lunes, Marso 24.
“The nerve! Yung tatay mo takbuhin, tumakbo sa China di lang napagbigyan, si Ninoy hinarap ang bala ng mga Marcos,” giit ni Espiritu, na isang senatorial candidate sa 2025 midterm elctions.
“Yung tatay mo mamamatay-tao, si Ninoy lumaban para sa karapatang pantao. Yung tatay mo ang nagpalibing sa pumatay kay Ninoy sa libingan ng mga bayani,” dagdag niya.
Ayon pa sa labor leader, si FPRRD umano ang “instrumental sa pagbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan,” habang si Aquino naman daw ang “naging instrumental para sila [ay] bumagsak.”
“Pag pinatay tatay mo ang tawag diyan ay justice, noong pinatay si Ninoy ang tawag dun ay injustice,” saad pa ni Espiritu. “Ispesyal na katangian at pambihirang level ng kapal ng mukha ang kailangan para di mo mapansin ang kontradiksyon sa mga sinasabi mo.”
Noong Agosto 1983 nang barilin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Aquino, na kilalang hayagang kritiko ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., matapos ang 3 taong exile niya sa United States.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD