Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na “drama” lamang ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na baka magaya ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Senador Ninoy Aquino, upang makatakas ito sa pananagutan.
Sa isang X post nitong Lunes, Marso 24, binigyang-diin ni De Lima na ibang iba ang sitwasyon nina Aquino at FPRRD.
“Ninoy Aquino returned to the Philippines knowing it could cost him his life. His courage was for the nation, for democracy, for the Filipino people,” ani De Lima.
“Duterte’s drama today is nothing but a desperate attempt to escape accountability. Justice isn’t swayed by melodrama, only by truth. And history will always know the difference,” saad pa niya.
Matatandaang sa kaniyang speech sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa The Hague, Netherlands nitong Linggo, Marso 23, ibinahagi ni VP Sara na tuwing binibisita niya si FPRRD sa detention center ng ICC, lagi nitong tinatanong kung maiuuwi siya sa Pilipinas. Ngunit binalaan daw niya ito na baka magaya kay Aquino kung uuwi ito ng Pilipinas.
MAKI-BALITA: VP Sara, binalaan si FPRRD na baka magaya kay Ninoy Aquino kung uuwi ng PH
Noong Agosto 1983 nang barilin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Aquino, na kilalang hayagang kritiko ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., matapos ang 3 taong exile niya sa United States.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD