Inaasahang magdudulot ang weather systems na northeast monsoon o amihan, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at easterlies ng ilang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Marso 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Inaasahan namang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Western Visayas, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Romblon, at Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang magdadala ang malamig na hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).