Nilinaw ni reelectionist Senator Imee Marcos na wala umano siyang ideya kung kabilang pa siya sa senatorial bets ng Alyansa ng Bagong Pilipinas.
Sa panayam ng media kay Sen. Imee nitong Linggo, Marso 23, 2025, sinabi niyang wala umano siyang alam sa totoong estado niya sa Alyansa dahil hindi umano sila nagkakausap ng kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at may iba rin umano siyang pinagkakaabalahan.
“Hindi ko alam, hindi ko alam. Hindi ko pa tinatanong, hindi naman kami nag-uusap. Ang totoo okay lang,” anang senadora.
Dagdag pa niya, “Kasi sa totoo lang nakatutok naman ako doon sa kaso at yung hearing at kung anong magiging findings namin. Nakatutok ako doon dahil nakataya ‘yung soberanya ng ating bansa. Parang mas mahalaga ‘yun at mas nakakakaba kaysa sa eleksyon, kampanya, pulitika.”
Matatandaang naunang hindi banggitin ni PBBM ang pangalan ni Sen. Imee sa pangangampanya nila sa Cavite noong Marso 21, matapos pangunahan ng senadora ang imbestigasyon ng senado sa umano’y ilegal na pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sinong nilaglag?' PBBM, inendorso 11/12 senatorial bets ng Alyansa
Depensa pa ng senadora, nananatili pa rin umano siyang independent candidate sa kabila nang pagsama niya sa mga naging kampanya ng Alyansa noon.
“No, no action taken. But the reality is, kung maaalala niyo, simula’t sapul sinabi ko naman na independent ako. Kasi parang may kutob ako na may masamang mangyayari at ayoko mahila sa away-away,” saad ni Sen. Imee.
Iginiit din niya na wala raw kinalaman sa pulitika ang pagkakasa niya ng hearing para kay dating Pangulong Duterte.
“Yung hearing inilunsad ko hindi para sa endorsement o para sa pulitika o para sa kampanya. Talagang sa akin lang, ang batas ay dapat mangibabaw sa lahat. Higit sa lahat ang saligang batas natin bilang Pilipino at kung may mali, ay mali. At ang tama ay tama. Sorry na lang kung sinong tatamaan, bato bato sa langit,” saad ng senadora.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si PBBM, hinggil sa estado ng samahan nila ni Sen. Imee.