Iginiit ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na lasing umano sa kapangyarihan si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, Major General Nicolas Torre III na nag-implementa ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ito ni Dela Rosa sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Marso 22, nang tanungin siya kung ano ang kaniyang masasabi, bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), sa naging pag-implementa ni Torre sa pag-aresto kay Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 11, 2025 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
“Si General Torre ay lasing sa kapangyarihan. Kung makaasta akala mo wala nang katapusan yung kaniyang power, 'no? So sige lang. Nothing is forever dito sa mundo,” giit ni Dela Rosa.
“Wala namang forever dito sa mundo kaya may hangganan din ang lahat ng pang-aabuso mo, lahat ng kasigaan mo, may hangganan din ‘yan,” saad pa niya.
Samantala, sa naturang panayam ay kinuwestiyon din ng senador kung “santo” raw ba sina Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, na siyang sumagot sa nauna niyang pahayag na magtatago na lamang siya sa halip na sumuko sa ICC kung hahainan siya ng warrant of arrest.
Matatandaang si Dela Rosa ang naging hepe ng PNP nang iimplementa ang war on drugs ng dating pangulo.
MAKI-BALITA: Sen. Bato, binuweltahan si PCO Usec. Castro: ‘Akala n’yo mga santo kayo?’