Kinuwestiyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung “santo” raw ba sina Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, na siyang kumwestiyon sa nauna niyang pahayag na magtatago na lamang siya sa halip na sumuko sa International Criminal Court (ICC) kung hahainan siya ng warrant of arrest.
Sa panayam ng DWIZ noong Sabado, Marso 22, inusisa ni Dela Rosa kung nakabuti raw ba sa bansa ang naging pagsuko ng pamahalaan ng bansa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands.
"Ikaw, Ms. Castro, if you see injustice happening around, are you still going to surrender yourself to the authorities? Hindi nakabubuti yung gagawin ko, pero yung ginagawa nila, nakakabuti ba yun sa ating bansa? Yung hinuli nila at dinala si (dating) pangulong Duterte doon sa The Hague, nakakabuti ba yun sa ating bansa?” giit ni Dela Rosa.
Iginiit din ng senador na isinuko lamang umano ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos si Duterte dahil sa politika.
“Nakakabuti sa kanilang chances politically dahil nabawasan ng isang Duterte na makakalaban nila. Yun naman talaga ang puno't dulo diyan. Kung makapagtanong kayo, akala n’yo mga santo kayo.
"Ms. Castro akala n’yo mga santo kayo? Hindi nakakabuti yung gagawin kong pag-evade ng arrest pero sa inyo ikabubuti ng bansa yung ginawa ninyo? Paglapastangan ng ating konstitusyon? Paglapastangan ng ating soberanya? Yung pag-surrender ng isang Pilipino doon sa The Hague? Nakabuti ng Pilipinas yan?" saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Castro sa isang press briefing na dapat umanong harapin ng mga lider ng bansa ang legal complaints, kung mayroon man, dahil hindi raw magandang nakikita ng publikong ang mga ito pa ang ayaw humarap sa reklamong inihain laban sa kanila.
Ang naturang pahayag ni Castro ay matapos sabihin ni Dela Rosa na haharap lamang umano siya sa korte ng Pilipinas.
Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang iimplementa ang madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte noong 2016.
Samantala, matatandaang noong Marso 11 nang arestuhin si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dinala sa ICC para sa kasong “crimes against humanity” kaugnay ng naturang drug war.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD