Hinamon ng Malacañang ang nagpakalat ng “fake news” ng in-edit umanong larawan ni First Lady Liza Araneta-Marcos na dumalo sa meeting ng Asian Cultural Council kamakailan.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Marso 23, na inulat ng GMA News, iginiit ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) na dapat maglabas ng ebidensya ang tinawag niyang “fake news vloggers/bloggers” na nagsabing edited ang larawan ng Unang Ginang sa pagtitipon.
“Those who usually criticize are those who are not privy to any meeting. What can we expect from those who know nothing? Madaling mag-pretend na as if they know everything,” ani Castro.
“Anyway, it is better to challenge these fake news vloggers/bloggers to show their own verified evidence that will counter that photo,” saad pa niya.
Base sa naturang naging usap-usapang larawan ni FL Liza sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Marso 22, makikitang nakaupo siya sa isang dining area kasama ang kaniyang guests.
May caption ang post na: “Regular meeting of the Asian Cultural Council [ ] Pangarap Clubhouse, Malacañang Park, Manila | 21 March 2025.”
Samantala, ilang social media users ang nagkomento sa post at tinawag ang larawan na tila edited umano dahil, giit pa ng ilan, wala raw sa Pilipinas ang Unang Ginang.
Matatandaang kamakailan lamang ay itinanggi ni FL Liza na hinuli siya ng law enforcers sa United States. Nagpunta raw siya sa US para sa kaniyang working visit upang dumalo sa Meeting of the Minds at Manila International Film Festival noong unang linggo ng Marso.
Noong lamang namang Marso 20 nang ibahagi ng Unang Ginang ang kaniyang pagdalo sa pag-turnover ng apat na mobile laboratory clinics at isang water station sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa kanilang private sector partners sa Kalayaan Grounds sa Malacañang.