Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na nakahanda umano nilang tugunan ang mapaparalisang pampublikong transportasyon sa kasagsagan ng ikakasang transport strike ng grupong MANIBELA sa Marso 24 hanggang 26, 2025.
Batay sa pahayag ni Dizon nitong Linggo, Marso 23, maglalagay raw sila ng karagdagang mga bus sa EDSA busway at librang sakay naman para sa Light Rail Transit (LRT-1 at LRT-2) at Metro Rail Transit (MRT-3).
Kasunod nito, nanawagan din si Dizon na huwag na raw sanang ituloy ang nasabing transport strike at idaan na lamang daw ito sa diyalogo sa pagitan ng DOTr at ilang grupo ng mga tsuper.
“Panawagan natin na sana para sa ating mga kababayan na hirap na hirap na sa pang-araw-araw na pagko-commute, sana huwag nang mag-strike. Instead, sana mag-usap na lang muna para maintindihan ng bagong liderato sa DOTr ang mga hinaing nila,” ani Dizon.
Matatandaang nauna nang iginiit ni MANIBELA Chairman at senatorial aspirant Mar Valbuena na pangungunahan nila ang nasabing transport strike, kaugnay pa rin ng kanilang panawagan sa nakaambang jeepney phaseout dulot ng jeepney modernization program.
KAUGNAY NA BALITA: DOTr, makikipagdayalogo sa MANIBELA sa nakaambang 3-day transpo strike