Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na ipinagpapasa-Diyos na lamang ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kapalaran matapos nitong madetine sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
Sinabi ito ni VP Sara sa panayam ng mga mamamahayag sa The Hague noong Biyernes, Marso 23 (Netherlands time), na inulat ng Manila Bulletin.
“He was referring to his fate. Sabi niya, ipapasa-Diyos ko na iyan lahat. And ano ba yung sinabi niya, ‘Ipapasa-Diyos ko na iyan lahat kung anong mangyari sa buhay ko. So be it,’” anang bise presidente.
Matatandaang noong Hunyo 2018 nang tawagin ni FPRRD ang Diyos na “stupid” sa isang talumpati sa Davao City, at pinuna ang kuwento sa Bibliya tungkol sa paglikha at sa pagpapatapon kina Adan at Eva sa Garden of Eden pagkatapos kumain ng ipinagbabawal na prutas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD matapos siyang arestuhin noong Marso 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD