March 23, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato, 'di raw papahuli sa ICC: 'Hindi ako lalabas sa aking comfort zone!'

Sen. Bato, 'di raw papahuli sa ICC: 'Hindi ako lalabas sa aking comfort zone!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines/Facebook and ICC/website

Muling nanindigan si reelectionist Senator Ronald "Bato" dela Rosa na hindi umano siya magpapaaresto sa International Criminal Court (ICC). 

Sa panayam ng isang radio station kay Dela Rosa nitong Sabado, Marso 22. 2025, tahasan niyang iginiit na hindi raw siya magpapahuli sa naturang criminal court.

"Hypothetical? Hindi ako magpahuli. Hindi ako sasama. Hindi ako magpahuli," ani Dela Rosa. 

Nilinaw rin ni Dela Rosa na wala siyang balak lumabas ng bansa at iginiit na nakahanda raw siyang manatili sa Pilipinas hanggang sa kaniyang huling hininga. 

National

Sen. Bato, binuweltahan si PCO Usec. Castro: ‘Akala n’yo mga santo kayo?’

"Hindi ako lalabas sa aking comfort zone. My comfort zone sa Philippines. Bakit ako pupunta sa ibang bansa? Dito ako sa Pilipinas. Dito ako pinanganak. Dito ako mamamatay sa bansa kong sinilangan," anang senador. 

Matatandaang umugong ang bali-balitang kabilang umano si Dela Rosa at ang kapuwa niya dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Oscar Albayalde na susunod na umanong arestuhin ng ICC, matapos ang matagumpay nitong pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng naging madugo niyang kampanya kontra droga. 

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang 

Samantala, nauna nang linawin ng Palasyo na nakahanda rin umano silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung sakaling maglabas din ng warrant of arrest ang ICC laban kay Dela Rosa. 

“Pareho pa rin po, hindi po kasi tayo puwedeng mamili. Kung ito po ay ginawa po at nakipag-coordinate, nakipagtulungan tayo sa Interpol, dahil ang dating Pangulo po ang subject po ng warrant of arrest, hindi po tayo puwedeng mamili, wala pong puwedeng special treatment,” ani Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing noong Marso 14.

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, makikipagtulungan din sa Interpol 'pag nagbaba ang ICC ng warrant kay Sen. Bato