March 23, 2025

Home BALITA National

Kabataan spox, inalmahan giit ni Sen. Imee na 'pang-aalipin' hustisyang ipinapataw ng dayuhan

Kabataan spox, inalmahan giit ni Sen. Imee na 'pang-aalipin' hustisyang ipinapataw ng dayuhan
MULA SA KALIWA: Kabataan Spokesperson Renee Co at Sen. Imee Marcos (Facebook; file photo)

Binigyang-diin ng Kabataan Partylist na walang nasyonalidad ang “pananagutan” matapos sabihin ni Senador Imee Marcos na isa umanong “pang-aalipin” ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan kaugnay ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”

Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senado noong Huwebes, Marso 20, hinggil sa pag-aresto kay Duterte, ipinahayag ni Marcos na: “Ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan ay hindi hustisya. Ito ay pang-aalipin.”

MAKI-BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’

MAKI-BALITA: Tanong ni Sen. Imee: 'Pinas, kailan pa naging 'province of the Hague?'

National

Sen. Bato, binuweltahan si PCO Usec. Castro: ‘Akala n’yo mga santo kayo?’

Sinagot naman ni Kabataan First Nominee and National Spokesperson Atty. Renee Co ang naturang pahayag ng senadora sa pamamagitan ng isang pahayag nitong Sabado, Marso 22.

"Accountability has no nationality. Stop hiding behind false pinoy pride and made-up respect for Filipino courts! Mga Marcos din naman ang nambastos sa mga korte para maiwasan ang pananagutan sa ill-gotten wealth na ninakaw nila," giit ni Co.

"Sen. Imee, do you remember Archimedes Trajano? Hinatulan kang guilty ng korte sa Hawaii sa pag-utos ng pagpatay sa kanya pero natakasan mo ito dahil dayuhang korte raw ang humatol nito. Your defense of Rodrigo Duterte comes from your own Marcos playbook. You walked away from jail so next gen criminals like Duterte could run.”

"Best Actress talaga. Imee Marcos is the future of people like Kitty Duterte. Spoiled nepo baby sa simula, corrupt politician sa pagtanda,” saad pa niya.

Nanawagan din si Co sa kabataang Pilipino na tapusin na umano ang “cycle” pagdating sa naturang klase ng politika.

“I call on the Filipino youth: let’s end the cycle. Simulan natin sa pananagutan ng nakatatanda na nagpatakbo ng sistema batay sa yaman at pribilehiyo," saad ni Co.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Marso 11 upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.

MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO

Itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa Setyembre 23, 2025.

MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD