Arestado ang isang babae mula Oslob, Cebu matapos umanong magpakalat ng pekeng pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. para umano kumita sa Facebook.
Saad ng nasabing pekeng quote card ang dating naging pahayag ng Pangulo noong Marso 14 hinggil sa pagsugpo ng krimen at droga sa bansa. Ayon sa pekeng pahayag, hinihimok umano ni PBBM na gawing legal ang droga sa bansa.
“Sa laban kontra droga at krimen, hindi natin kailangan dumaan sa madugong solusyon. Walang naniniwala na ang solusyon ay krimen at droga ay pumatay ng libo-libong kapwa Pilipino. Hindi tama yun. Ang tamang paraan tiyakin ang kapayapaan at kaayusan ay sa pamamagitan ng maayos na batas,” anang orihinal na pahayag ni PBBM.
Saad naman ng pekeng quote card, “Sa laban kontra droga at krimen, hindi natin kailangan dumaan sa madugong solusyon. Walang naniniwala na ang solusyon ay krimen at droga ay pumatay ng libo-libong kapwa Pilipino. Hindi tama yun. Ang tamang paraan tiyakin ang kapayapaan at kaayusan ay sa pamamagitan ng maayos na batas. Gumawa tayo ng batas na gawing "legal" ang droga sa ating bansa.”
Samantala, aminado naman ang suspek na kumikita umano siya sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga peke at unverified information sa social media.
Pebrero 2025 umano nang magsimulang ma-monitized ang account ng suspek. Depensa niya, hindi umano sa kaniya nagmula ang pekeng quote card at nire-upload lamang daw niya ito upang magkaroon ng maraming Facebook interactions sa kaniyang page.
Nagbabala naman ang National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko na umpisa pa lamang daw ito ng kanilang pagtugon sa mga "fake news peddlers."
"Unti-unti na kami, kumukuha kami, nakikipag-coordinate sa amin ang Facebook, nakikipag-cooperate ang TikTok, ito na po. Kaya warning sa kanila. Hindi namin sila tatantanan," anang NBI.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 152 ng Revised Penal Code in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek. Kapag napatunayan, maaari umano siyang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon na may multang ₱200,000.