Ipinahayag ni Senador Imee Marcos nitong Biyernes, Marso 21, na hindi siya dadalo sa campaign rally ng senatorial slate ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Cavite dahil mas mahalaga umano ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Sen. Imee na mas importante para sa kaniya ang tutukan ang pag-imbestiga sa naging pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 at pagdala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, kaysa ang pagdalo sa campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas nitong Biyernes sa Trece Martires, Cavite.
“Ang mahalaga sa akin ay tutukan ang kaso ng pagtangay sa isang kapwa Pilipino na isinuko ng ating pamahalaan sa isang banyagang institusyon sa ibang bansa,” aniya.
“Sapagka’t sa kabila ng kampanya at pulitika, napakahalaga nito para sa ating mga kababayan, ang ating OFWs at sa ating mga batas.”
“Hindi lang ito tungkol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, tungkol ito sa soberanya ng ating bansa,” saad pa ng senadora.
Matatandaang nitong Huwebes, Marso 20, nang pangunahan ni Sen. Imee, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, ang pagdinig ng Senado sa naging pag-aresto kay Duterte kung saan iginiit niyang isa umanong “pang-aalipin” ang “hustisyang ipinapataw ng dayuhan.”
MAKI-BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’
Kinuwestiyon din ng senadora kung kailan pa umano naging probinsya ng “The Hague” sa Netherlands, kung saan matatagpuan ang ICC.
MAKI-BALITA: Tanong ni Sen. Imee: 'Pinas, kailan pa naging 'province of the Hague?'
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD