Ilang Kongresista ang pumuna sa umano'y pagtatago ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa Netherlands.
Sa pamamagitan ng press conference nitong Huwebes, Marso 20, 2025, sinabi ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V na marami umanong naiwanan si Roque simula nang magtago raw ito at hindi siputin ang House Quad Committee.
"Marami pong katanungan na naiwan nung umalis po siya especially nung nasa Quad Comm tayo. Pero sabi ko nga the best-case scenario for him is he come home, kasi hindi naman po siya part ng magiging mga legal counsel ni [former President Rodrigo] Duterte," ani Ortega.
Kamakailan lang nang linawin ni Vice President Sara Duterte na hindi na umano kabilang si Roque na tatayong legal counsel ni dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC).
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may kinakausap na lawyers na may 'ICC experience'
Samantala, tahasan namang tinawag ni senatorial aspirant at ACT Teachers Party-list Representative France Castro na pawang pag-iwas umano sa "accountability" ang pananatili ni Roque sa ibang bansa.
"Ang pagtatago ni Roque sa Netherlands habang walang opisyal na papel sa ICC proceedings ay tahasang pag-iwas sa accountability," saad ni Castro.
Matatandaang kamakailan lang ng muling masilayan ng publiko si Roque matapos maiulat na nagtatago umano nang maglabas ng utos ang Kamara na ipaaresto siya matapos ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng Kamara sa pagkakaugnay niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
May hamon namam si Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong kay Roque hinggil sa pananatili niya sa Netherlands at sa nakabinbin niyang kaso sa Pilipinas.
"Umalis na po siya. So as a lawyer himself he knows quite very well that he needs to respect the law, he needs to have himself presented before the court so that he can clear his name," ani Adiong.
Dagdag pa niya, "He has to come home and he needs to face the charges, that's his opportunity to clear his name. He's a lawyer, he knows how to deal with it."
KAUGNAY NA BALITA: DOJ Sec. Remulla, hinamon si Roque: 'Magpaka-Pilipino siya!'