Kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos kung kailan pa umano naging probinsya ng “The Hague” sa Netherlands, kung saan matatagpuan ang International Criminal Court (ICC), ang Pilipinas matapos arestuhin at dalhin doon si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
Sa kaniyang manifestation sa Senate hearing ng pag-aresto kay Duterte nitong Huwebes, Marso 20, kinondena ni Marcos ang pagsuko kay Duterte sa ICC.
“Bakit natin isinuko ang isang kapwang Pilipino? Kung ang iyong kapatid ay inuusig, ipapasa mo ba sa kamay ng iba? Kung ang iyong ama o di kaya ang iyong lolo pa, matanda na at may sakit, kinakaladkad palabas ng inyong tahanan, manonood ka ba na parang wala lang?” giit ni Marcos.
“Ganito ang nangyari ngayon, isinuko natin si Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan na para bang wala siyang sariling bayan, na para bang hindi na natin kayang humusga sa sarili nating tahanan,” dagdag niya.
Sinabi rin ng senadora, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na dapat umanong ang batas ng Pilipinas ang manaig at hindi raw ang batas ng ICC.
“Sabi nila, batas ang dapat manaig. Tama. But whose law? Ours or theirs? Since when did the Philippines become a province of The Hague?” giit ni Marcos.
“Kung kaya nila itong gawin sa isang dating pangulo, sino na lang ang susunod?” saad pa niya.
Matatandaang noong Marso 11 nang arestuhin si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dinala sa headquarter ng ICC sa The Hague Netherlands upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD