Matapos arestuhin at ipadala sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan,” iginiit ni Senador Imee Marcos na hindi umano “hustisya” ang tawag sa “hustisyang ipinapataw ng dayuhan” at sa halip ay matatawag daw itong “pang-aalipin.”
Sa kaniyang manifestation sa Senate hearing ng pag-aresto kay Duterte nitong Huwebes, Marso 20, kinondena ni Marcos ang pagsuko ng pamahalaan ng Pilipinas kay Duterte sa ICC, at iginiit na maaari raw itong mangyari sa iba pang Pilipino.
“Ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan ay hindi hustisya. Ito ay pang-aalipin. Ito ay pagkontrol,” giit ni Marcos.
“Mga kababayan ko, hindi tayo alipin. Tayo ay Pilipino. At kung Pilipino ka, hindi mo kailanman isusuko ang iyong kapwa Pilipino. Hindi mo isusuko ang iyong pagiging Pilipino,” saad pa niya.
Samantala, kinuwestiyon din ng senadora kung kailan pa umano naging probinsya ng “The Hague” sa Netherlands, kung saan matatagpuan ang ICC.
MAKI-BALITA: Tanong ni Sen. Imee: 'Pinas, kailan pa naging 'province of the Hague?'
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD