Magkakaibang parte ng katawan ng tao ang natagpuan sa kahabaan ng Marilaque Highway sa bahagi ng Barangay Laurel, Santa Maria, Laguna, kamakailan.
Ayon sa Santa Maria Police, hinihinalang katawan umano ng isang rider ang natagpuan sa naturang lugar matapos silang makatanggap ng ilang ulat tungkol sa masangsang na amoy.
Lumalabas sa imbestigasyon na posible umanong itinapon lang ang katawan ng biktima sa gilid ng highway kung saan unang natagpuan ang isang paa.
Habang tinatayang nasa 100 metro naman umano ang layo nang matagpuan naman ang pinaghihinalaang binti ng biktima na nakabalot naman sa plastic na inaagnas na rin.
Patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa kalapit na barangay kung mayroon pa umano iba pang bahagi ng katawan ang posibleng natagpuan ng ibang residente.
Isinailalim na rin umano sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang nasabing parte ng katawan ng biktima upang matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan.