Tinatayang 51% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat managot si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nangyaring pagpatay sa giyera kontra droga ng administrasyon nito, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa survey ng SWS na kinomisyon ng Stratbase Consultancy at inilabas nitong Miyerkules, Marso 19, sa naturang 51% na sang-ayon na managot si Duterte, 32% daw dito ang “strongly agree” habang 19% dito ang “somewhat agree.”
Samantala, 25% naman ng mga Pinoy ang tumututol na dapat managot ang dating pangulo, kung saan 16% dito ang “strongly disagree” habang 9% ang “somewhat disagree.”
Nasa 14% naman daw ng respondents ng nasabing survey ang nagsabing “undecided” sila, at 10% ang hindi pa alam ang usapin para makapagbigay ng opinyon.
Isinagawa ng SWS ang survey mula Pebrero 15 hanggang 19, 2025 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,800 registered Filipino voters.
Matatandaang noong Marso 11 nang arestuhin si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport at dinala sa headquarters ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong “crimes against humanity” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD