Tatlong weather systems ang inaasahang magdudulot ng ilang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Marso 20, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Marso 20.
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang weather system na shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, Caraga, Sorsogon, at Masbate.
Malaki naman ang tsansang magdudulot ang northeast monsoon o amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Aurora, Quezon, at mga natitirang bahagi ng Bicol Region.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).