Nagbigay ng latest update si Sen. Robin Padilla sa kalagayan ni dating Executive Secretary Atty. Salvador Medialdea, na napaulat na isinakay sa ambulansya at isinugod sa ospital noong Martes, Marso 18, habang nasa The Netherlands.
Matatandaang nasa naturang bansa ang dalawa, kasama pa sina Vice President Sara Duterte at dating presidential spokesperson Harry Roque, dahil nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos arestuhin kaugnay sa kasong "crimes against humanity." Isinagawa ang pre-trial hearing noong Marso 14, at magaganap naman ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, 2025.
Miyerkules, Marso 19, muling nag-Facebook post si Padilla hinggil sa kalagayan ni Medialdea na mukhang nasa maayos na kalagayan na.
"Tass Ang kamay ko po sa Inyo Sir FES Salvador Medialdea," anang senador.
"Bihirang klase na po Ang mga katulad ninyo sa kalagitnaan ng inyong pagkahimatay ay şi mayor FPRRD pa rin Ang inyong iniisip buong biyahe ng ambulansya hanggang sa emergency room. Lahat puro bilin ng mga kailangan ni Digong. Paulit ulit kahit hirap magsalita kaya Paulit ulit din yun Pag test sa kanya. Kinailangan pa ako palabasin sandalı kaşı nagpupumilit pa rin mag isip at magsalita. Boss ES kailangan din po ninyo matulog at magpahinga," aniya.
Matatandaang nauna nang sinabi ng senador sa isang live na ilang araw nang hindi natutulog si Medialdea dahil sa pressure ng kaso ni Duterte.
MAKI-BALITA: Sen. Robin, sinabing ilang araw nang 'di natutulog si Atty. Medialdea
Samantala, sa pamamagitan ng My Story niya sa Facebook ay nagpasalamat naman si Medialdea kay Padilla dahil sa pag-aasikaso sa kaniya.
MAKI-BALITA: Atty. Medialdea kay Sen. Robin: 'You were there when I needed it most!'