Naniniwala si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na hindi na kakayaning maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte lalo na’t gumugulong na raw ang mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kaso nitong “crimes against humanity.”
Sinabi ito ni Remulla sa isang ambush interview nitong Martes, Marso 18, matapos ihain ng magkakapatid na sina Rep. Paolo, Mayor Baste at Kitty Duterte kamakailan ang mga petition for habeas corpus sa Korte Suprema para maibalik sa Pilipinas ang kanilang ama mula sa kustodiya ng ICC.
“Wala na yun. Tapos na yun. It's a done deal already. May hearings na doon eh, continuing na yung hearing. I think there's judicial notice that the hearings are ongoing already in The Hague,” ani Remulla.
“And there is a setting for September 23. So we rely on that,” dagdag niya, na pinatutungkulan ang itinakdang petsa ng ICC nang isagawa ang pre-trial ng dating pangulo noong Biyernes, Marso 14.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
Nang tanungin naman kung hindi pa rin maibabalik ang dating pangulo sa Pilipinas kahit pa maglabas ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa mga petisyong inihain ng magkakapatid na Duterte, ani Remulla: “That's speculative. I cannot answer anything speculative at this point.”
Ngunit, anang DOJ secretary, para sa kaniya ay hindi na maibabalik ang dating pangulo dahil nasa ICC headquarters na rin daw ito.
“It’s a done deal. Nandoon na siya eh. Saka sabi niya naman haharapin niya yung charges eh. I think that he has repeated that to all of us. Lahat tayong Pilipino narinig natin na sinabi sa atin ni dating Pangulong Duterte na haharapin niya ang kahit na anong paratang sa kaniya, kahit sa ICC. Kaya yun na yun. Nandoon na siya,” saad ni Remulla.
Matatandaang noong Marso 11 nang arestuhin ang dating Pangulo at dinala sa headquarter ng ICC dahil sa bisa ng warrant of arrest para sa “crimes against humanity” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO