Ayaw daw muna sumawsaw ni Senador Imee Marcos kaugnay sa sinabi ni Davao City Mayor Baste Duterte patungkol pagpapalibing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.
Noong Linggo, Marso 16, sa talumpati niya sa pagdiriwang ng 88th Araw ng Dabaw, inungkat ni Mayor Baste ang pagpapalibing ng kaniya ama kay Marcos, Sr..
“Yung tatay mo [Marcos Sr.] pinalibing ng tatay ko [Duterte], pero yung tatay ko pinakulong mo. P***ngina ka,” giit ni Mayor Baste.
Noong Lunes, Marso 17, nagbigay-tugon si Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa naturang panunumbat ni Mayor Baste.
“Noon pa po sila nagpasalamat. At sinabi nga nila forever silang tatanaw ng utang na loob sa napakagandang gesture ng dating Pangulong Duterte. Pero ang pagtanaw po ng utang na loob ay hindi dapat madiskaril at hindi dapat magtraydor sa batas at sa hustisya," saad ni Usec. Castro.
BASAHIN: Pagtanaw ng utang na loob, hindi dapat magtraydor sa batas —Usec. Castro
At nitong Martes, Marso 18, sa kaniyang panayam sa DZRH News, sinabi ni Senador Imee na ayaw niya munang sumawsaw kina Mayor Baste at Usec. Castro.
"Narinig ko 'yong spokesperson ng Palasyo sumagot na parang ang batas ay mangingibabaw sa utang na loob, parang 'yon ang narinig ko," saad ni Sen. Imee.
"Hayaan na natin silang magbatuhan. Ako'y ayokong sumawsaw muna sa mga usapin dahil nga may imbestigasyon tayo. Kailangang makinig tayo sa bawat isa, sa bawat panig, at alamin kung ano talaga ang nangyari. Kasi maraming nalilito at hindi mapapawi ang emosyon hangga't hindi natutuklasan ang lahat," dagdag pa niya.
Matatandaang nanagawan ang senadora, bilang chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, ng "urgent investigation" kaugnay sa pag-aresto kay Duterte noong Marso 11.
BASAHIN: Sen. Imee Marcos, nanawagan ng 'urgent investigation' sa pag-aresto kay FPRRD
Magaganap umano ang senate hearing ni Senador Imee sa Marso 20.