Bilang bahagi ng pakikiisa sa "Rabies Awareness Month," inaanyayahan ni Manila Honey Lacuna ang mga "fur parents" sa lungsod, o yaong may mga residente na may alagang hayop, na samantalahin ang libreng anti-rabies vaccination ng lokal na pamahalaan at paturukan ng anti-rabies vaccine ang kanilang "fur babies."
Ayon kay Lacuna, ang lokal na pamahalaan ay may libreng vaccination program para sa mga alagang aso at pusa na ginagawa sa City Hall ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold Pangan.
Ito ay bukod pa aniya sa libreng bakuna na ibinibigay tuwing may regular na "Kalinga sa Maynila" na umiikot sa mga barangay kung saan maaaring dalhin ang kanilang alaga at hindi na kailangan pang magtungo sa Manila City Hall.
Anang alkalde, ang lungsod ay may walong uri ng animal bite treatment na libre ding ibinibigay sa animal bite clinic ng city hall, sa Sta. Ana Hospital sa ilalim ng pamumuno ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla at maging sa pitong health centers, na pinamamahalaan ng MHD.
Layunin aniya ng programa na makatulong, hindi lamang sa pagbibigay kaligtasan sa mga alagang hayop, kundi maging sa lahat ng miyembo ng pamayanan.
Binigyang-diin pa ng lady mayor, na isa ring doktor at fur parent, ang kahalagahan ng pagbabakuna ng anti-rabies sa mga alagang hayop upang makaiwas na dapuan ng rabies, na maaaring magdulot ng kamatayan.