March 19, 2025

Home BALITA National

Guevarra, sinabing kay PBBM nakasalalay kung tatanggalin siya bilang solgen

Guevarra, sinabing kay PBBM nakasalalay kung tatanggalin siya bilang solgen
MULA SA KALIWA: Solicitor General Menardo Guevarra at Pangulong Bongbong Marcos (MB file photo)

“I leave it to the President…”

Sa gitna ng mga panawagang magbitiw siya, sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na iniiwan na niya ang desisyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung tatanggalin na siya sa puwesto sa Office of the Solicitor General (OSG).

Matatandaang nitong Lunes, Marso 17, nang ihain ng OSG ang manipestasyon ng pag-iwas sa tungkulin nitong depensahan ang pamahalaan laban sa mga isinampang petition for habeas corpus nina Rep. Paolo, Mayor Baste at Kitty Duterte sa Korte Suprema.

BASAHIN: Matapos umiwas ng OSG: DOJ, tatayong counsel ng gov’t sa petisyon ng mga anak ni FPRRD

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Layon ng naturang petisyon ng magkakapatid na Duterte na para maibalik sa Pilipinas ang kanilang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong “crimes against humanity” kaugnay ng war on drugs nito.

Sa isa namang text message sa mga mamamahayag nitong Martes, Marso 18, ipinaliwanag ni Guevarra na hindi umano “personal” kundi “institutional” ang naging desisyon ng OSG hinggil sa petisyong inihain ng mga anak ni FPRRD.

“The OSG represents the interest of the republic vis-a-vis the ICC and no other interest. Our recusal is not personal; it is institutional,” ani Guevarra.

“The OSG’s position will remain the same irrespective of the personalities involved, it is the Republic’s position,” dagdag niya. 

Sa kabila nito, sinabi ni Guevarra na si Marcos na raw ang magdedesisyon kung tatanggalin siya bilang solicitor general.

“I leave it to the President,” saad niya.

Samantala, nauna nang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing nito ring Martes na mas maganda umano kung si Guevarra ang mismong “mag-assess” kung nararapat pa siyang manatili sa kaniyang posisyon.

BASAHIN: SolGen Guevarra, dapat nang mag-resign – De Lima