Nagbigay-komento si Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro tungkol sa naging pahayag ni Senador Bong Go na hindi raw binibigyan ng gamot si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang ito ay nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang noong Sabado, Marso 15, sa isinagawang prayer rally na "Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong" ng PDP-Laban, sinabi ni Go na hindi raw ibinibigay ng ICC ang gamot ni Duterte.
BASAHIN: FPRRD, hindi raw binibigyan ng gamot habang nasa ICC—Sen. Go
At nitong Lunes, Marso 17, sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Castro na opinyon lang daw ito ni Go.
"'Yan po ay kaniyang opinion lamang ni Senator Bong Go. Unang-una, wala po siya doon sa lugar at nadinig po mismo natin sa ICC, kay Judge [Iulia] Motoc, na ang dating pangulo po ayon sa mga doktor na tumingin sa kaniya ay nasa magandang kondisyon po mentally aware, mentally fit, at patuloy pong chinecheck ang kaniyang kondisyon," saad ng tagapagsalita ng PCO.
"So kung mayroon pong mga ganitong klaseng mga haka-haka, muli, katulad ng sinabi ni Senator Bong Go, dapat siguro ay kaniya munang alamin, alamin ang katotohanan dito bago po magbigay ng 'baka hindi nabibigay ang kaniyang mga gamot.'
"Tandaan po natin ang ICC po may mga doktor po silang naka-assign d'yan. Ngayon kung araw-araw po nating imomonitor, muli sasabihin natin, wala po kasing jurisdiction na ang Pilipinas kasi po ang dating pangulong Duterte ay nasa kustodiya na po ng ICC. So, sila na po talaga ang magbibigay ng agarang pag-check up o mag-undergo po ang dating pangulong Duterte sa check up po na ibibigay po ng ICC. Pero kung mayroon pong hihilingin, of course ang dating pangulong Duterte, maliban po sa kaniya kahit po 'yong mga victims ng EJK, sila rin po ay bibigyan ng kaukulang tulong kung kakayanin ito at kung ito naman po ay hindi lalabag ng anumang batas natin."