Nagbigay ng pananaw ang isang abogado na si Atty. Melencio “Mel” Sta. Maria hinggil sa naunang pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Sta. Maria ay nagsilbing dean sa Far Eastern University Institute of Law sa loob ng siyam na taon bago tuluyang umexit noong 2023.
Sa latest episode ng programa nina Ted Failon at DJ Chacha sa True FM nitong Lunes, Marso 17, sinabi ni Sta. Maria na maaari daw palayain pansamantala ang dating pangulo habang dinidinig ang kaso nito.
“Theoretically, puwede. Pero may mga kondisyon. Unang-una, nakalagay dito dapat kung may reasonable ground to believe that a person committed a crime,” saad ni Sta. Maria.
“O kaya ‘yong pag-aresto ay necessary para hindi maantala ang hearing o kaya para mag-continue o walang mag-obstruct ng hearing, ‘yong mga kondisyon na ‘yon e na-complied with, na-satisfy, walang bail. [...] Hindi siya palalabasin kung mayro’ng substantial evidence na ginawa niya nga,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng abogado, “At kung mayro’ng mga sitwasyong maaaring mahirapan silang kunin ulit o kaya e magkakaroon ng obstruction of justice [...] hindi nila papayagan ‘yan.”
Pero kung maipakita naman daw ng kampo ni Duterte na babalik siya, baka raw pansamantalang pahintulutan.
“Ang isang obstacle e ‘yong gravity ng krimen. Titingnan din ‘yon kung ano ‘yong sinampa sa kanila. Dito sa kasong ito, crime against humanity. Partikular, murder,” dugtong pa ni Sta. Maria.
Samantala, nakatakda sa darating na Setyembre 23, 2025 ang confirmation of charges hearing para kay Duterte matapos ang una niyang pagharap sa ICC Pre-Trial Chamber.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025