Tahasang binanatan ni reelectionist Sen. Ronald “Bato” dela Rosa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. hinggil sa pakikipagtulungan ng bansa sa International Criminal Police Organization (Interpol).
Sa isinagawang prayer rally na "Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong" ng PDP-Laban sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Sabado, Marso 15, inihayag ni Dela Rosa ang pagsunod ng bansa sa Interpol.
“Laging sinasabi ni President Marcos hindi namin ni-recognize ang ICC. Kasi di kami miyembro. Hindi kami nagko-coordinate sa ICC. Anong ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos? Interpol,” ani Dela Rosa.
Dagdag pa ni Dela Rosa, naging hepe rin aniya siya ng Philippine National Police (PNP) kaya’y alam umano niya ang papel ng Interpol.
“Naging Chief PNP ako. Alam ko ano ang papel ng Interpol sa mundo. Huwag n’yo ako lokohin. Commitment sa Interpol? Bu**s**t! Presidente ka ng Pilipinas! Magpa-pressure ka sa Interpol?”
Matatandaang kamakailan lang nang linawin ni PBBM na sumunod lamang ang Pilipinas sa obligasyon nito sa Interpol nang hulihin noong Marso 11 si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kaso niyang crime against humanity mula sa International Criminal Court (ICC).
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO