Nagbigay ng mensahe si Senador Robin Padilla para sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasasaktan daw sa nangyayari sa kaniya matapos siyang arestuhin ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
Sa panayam ng GMA News nitong Linggo, Marso 16, sa The Hague, Netherlands, nagpasalamat si Padilla sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng Europa na nagpunta pa raw doon para magpakita ng suporta.
“Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng kababayan natin na galing po sila sa iba't ibang sulok ng Europa, nagpunta po sila dito para magbigay ng suporta sa ating mahal na dating pangulong Duterte,” ani Padilla.
“Kami nandito para makiisa sa kanila sa ngalan ng kapayapaan, pagkakaisa.”Kaugnay nito, sinabi ni Padilla na dapat ipakita umano ng mga tagasuporta ni Duterte ang kanilang “emosyon” sa darating na 2025 midterm elections.
“Ang kailangan po natin ngayon, ipakita natin lahat ang emosyon natin sa eleksyon. Ayaw po natin ng gulo. Ang gusto po natin sa eleksyon n’yo ilabas lahat ang inyong mga nasa saloobin” saad ni Padilla.
Kasalukuyang nasa The Hague si Padilla upang magpakita ng suporta sa dating pangulo na nasa kustodiya ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.
Matapos ang pre-trial noong Biyernes, Marso 14, itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing para sa dating pangulo sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025