Inihambing ni dating Vice President Atty. Leni Robredo ang naging sitwasyon ni dating senador Atty. Leila de Lima sa umano’y isyu at usapin ng due process, hinggil sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Sa pagharap nina Robredo at De Lima sa press briefing ng Mamamayang Liberal (ML) Party-list sa Bicol nitong Sabado ng umaga, Marso 15, 2025, binalikan ng dating Vice President ang pinagdaanan umano ni De Lima noong makulong siya sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.
“She had to endure all of that, kasi sinunod niya yung due process. Hinarap niya yung charges, against her, no matter how difficult and unfair those charges were. Kahit obvious na political harassment, hinarap niya,” ani Robredo.
Binigyang-diin din ni Robredo ang naging pagsunod daw ni De Lima sa due process, sa kabila nang pinagdaanan nito sa kulungan, habang nanunungkulan bilang senador.
“Gusto ko lang sabihin na pinagdaanan niya 'to. And naging patient siya kasi alam niyang may prosesong sinusunod, yun lang. Yung lahat lang ng sinasabi ngayon, ano 'to eh 'first step towards accountability, justice,’ na pinagdaanan din ni Sen. Leila,” ani Robredo.
Dagdag pa niya, “Kaya all these talk about, everything that is happening, about due process about how unfair everything is, lagi kong nababalik sa sitwasyon n’ya.”
Matatandaang noong 2017 nang makulong si De Lima matapos umanong iugnay sa kaniya ang kasong drug trafficking.