Pinagnakawan at saka ginahasa ng 21-anyos na lalaki ang isang babae sa Cebu City, matapos siyang magpanggap na habal-habal driver ng motorsikolong ipina-book ng biktima.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, nangyari ang krimen noong madaling araw ng Marso 13, 2025, kung saan pauwi na dapat ang biktima mula sa kaniyang trabaho.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagpanggap lang daw na iihi ang suspek nang dalhin niya sa isang liblib na lugar ang biktima, at saka tinutukan ng screwdriver. Matapos kuhanin ang cellphone at pera ng biktima, ginahasa pa umano niya ang babae.
Nagawa pa raw ng suspek na ihatid ang biktima malapit sa kanilang bahay, kung saan nakahingi agad ng tulong ang babae. Agad naman umanong natunton ng mga awtoridad ang lalaki.
Matapos masakote ng pulisya, napag-alamang nirentahan lang umano ng suspek ang ginamit niyang motor at dumipensang nagawa lamang niya ang krimen upang magkaroon ng pambayad sa tuition.
Sa kabila nito, desidido umano na magsampa ng kaso ang kampo ng biktima.