Usap-usapan ng mga netizen ang paglalabas ng opisyal na pahayag ni "Englishera Girl" o Aly Alindayu, ang kontrobersiyal na participant sa "Pusuan or Laruan" ni Marion Aunor sa kaniyang YouTube channel.
Matatandaang binatikos ng mga netizen ang "spliced video" mula sa online match-making game show kung saan ipinaliwanag niyang Englishera siya at marami sa mga naka-date niya ang nakikita siyang "strong."
Paglilinaw ni Aly sa kaniyang inilabas na Instagram post, ito raw ang unang beses niyang magsasalita tungkol sa isyu matapos itong maging viral at paulanan siya ng katakot-takot na hate comments at bashing.
Aniya, naniniwala siyang wala siyang ginawang masama o inagrabyadong tao.
"I didn't do anything wrong and yet I got hate DMs, was made into memes, a sound bite, death threats and more," aniya.
"The hate wasn't even from a few hundred, it was from tens of thousands of people. People who I don't even know made assumptions and defined my character," bahagi pa ng kaniyang pahayag.
Nilinaw rin niyang naging magkaibigan daw sila ng guest na naghahanap ng kapares nang mga sandaling iyon, at hindi naman daw siya na-offend sa kaniyang mga nasabi.
"He was not offended by the things I said. What I said to him and what you guys [saw] was a preference, not a deal breaker and I was not looking down on him or anyone.”
Sinabi rin ni Aly na bagama't hindi American accent ang kaniyang pagsasalita, ang kaniyang first language ay English.
"I may not have the typical American accent that you're expecting but English is my first language. I spoke Taglish because it's a Filipino show and I was adjusting. I hope you can see that I was trying.”
Sinabi rin niyang bukas din siya sa ideyang maging advocate ng "anti-bullying" lalo na sa social media.
"If you guys know where I can start, I am all ears. Maybe a podcast! I want to help other people because I do not wish this at all," aniya.
Bukod kay Aly, na-bash din ang isa pang participant na si "Moon" matapos maiba raw ang interpretasyon niya sa salitang "family-oriented" sa episode kung saan guest naman ang VMX actor-host na si Nico Locco.
MAKI-BALITA: Depensa umano ng babaeng naokray dahil sa 'family-oriented,' usap-usapan