Hindi na napigilan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na maiyak nang magbigay siya ng mensahe para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng programang “At The Forefront” ng Bilyonaryo News Channel nitong Biyernes, Marso 14, hiningian si Dela Rosa ng mensahe para kay Duterte.
Pansamantala naman hindi nakapagsalita ang senador sa kabilang linya ng telepono at saka humingi ng paumanhin at sinabing: “I’m just trying to compose myself.”
Doon ay emosyunal nang nagpaabot ng mensahe si Dela Rosa sa dating pangulo: “Just remember, Sir, what you said before, you're willing to live in hell as long as your people are living in heaven.”
“You must be living in hell right now in ICC but remember the people, yung mga taong pinaganda mo ang buhay, kasama na ako doon,” dagdag niya.
Binanggit din ni Dela Rosa na “nanonood ang Diyos” at malalagpasan din daw nila ang mga kinahaharap nila ngayon.
“Huwag mong kalimutan, God is watching. We will overcome all these crises that we are now facing,” ani Dela Rosa.
“Hindi lang naman ikaw ang nasasaktan ngayon, buong Pilipinas. Kung makita mo yung expression of support, yung rally kaliwa-kanan, candle lighting kahit saan, anong lugar, makikita mo kung gaano nila ka-love si Pangulong Duterte,” saad pa niya.
Matatandaang noong Martes, Marso 11, nang arestuhin si Duterte dahil sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng drug war.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Nakatakda naman ang "initial appearance" ng dating pangulo sa Pre-Trial Chamber I ng ICC dakong 9:00 ng gabi (Manila Time) nitong Biyernes.
Samantala, matatandaang noong Miyerkules, Marso 12, nang sabihin ni Dela Rosa–ang hepe ng Philippine National Police (PNP) nang iimplementa ang drug war sa bansa–na nakahanda raw niyang samahan si Duterte sa ICC.
MAKI-BALITA: Sen. Bato, binasag na katahimikan: 'Ready to join the old man!'
Noong 2024 nang isiniwalat ni human rights lawyer Chel Diokno na 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017, base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
MAKI-BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD