Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) spokesperson PBGEN Jean Fajardo na hindi na umano itutuloy ng pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) ang pagsasampa ng kaso laban sa common law partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña.
Ayon sa ulat ng Super Radyo DZBB 594khz nitong Biyernes ng umaga, Marso 14, 2025, mismong ang pulis umano ang nagdesisyong hindi na sampahan ng reklamo si Honeylet. Napagtanto raw ng pulis na kasama raw sa hazard ng kaniyang trabaho ang sinapit niya, matapos unano siyang pukpokin ni Honeylet ng cellphone, sa kasagsagan ng kanilang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
“Nakausap ko po si General Pespes at nakausap po niya yung pulis na nasaktan po, at personal na desisyon po nung pulis na huwag ng magsampa ng kaso at ang reason niya ay kasama ‘yon sa hazard ng kaniyang trabaho. Kaya okay lang at magpapagaling na lang daw siya at back to work,” ani Fajardo sa panayam sa kaniya ng media.
Matatandaang noong Huwebes, Marso 13 nang kumpirmahin din ng PNP ang balak na pagsasampa ng reklamong “direct assault” ng biktima, laban kay Honeylet.
KAUGNAY NA BALITA: 'Bumukol!' SAF personnel, pinukpok umano ni Honeylet Avanceña sa noo