Ibinahagi ni “Lilim” star Ryza Cenon ang kuwento sa likod ng kaniyang pagpapakalbo.
Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila noong Huwebes, Marso 13, sinabi ni Ryza na kaya raw siya nagpakalbo ay dahil sa role na gagampanan niya sa “Lilim.”
“No’ng nag-story con kami and then no’n ko po nalaman na lahat po kami kalbo. May isa pong cast na nag-look test po ng bald cap. And nakita ko po sa kaniya kung nakakakilos ba siya nang maayos [...] so nakikita ko po na nahihirapan siyang maglingon-lingon,” saad ni Ryza.
“Sabi ko, hindi yata ako komportable sa gano’n kasi malilimitahan po ‘yong acting ko, ‘yong galaw ko, lahat,” pagpapatuloy niya. “Kasi iintindihin ko siya kung paano siya hindi magmukhang prosthetic.”
Kaya naman gayon na lang daw ang gulat ng mga kasamahan ni Ryza sa set nang makita siyang kalbo sa first day.
Pero hindi naman nagsisi ang aktres sa ginawa niyang ito dahil noong nagbubuntis pa lang siya ay
nasa bucket list daw talaga niya ang magpakalbo.
Bukod dito, tila nagbago rin ang buhay ni Ryza matapos niyang pudpurin halos ang buhok dahil nagmukha raw siyang may sakit sa mata ng ilan.
“Actually, nasabi nga nila parang may sakit daw po ako dahil nga nagpakalbo. Pinakita ko po na hindi ibig sabihin kalbo ka, may sakit ka,” aniya.
Pero dagdag ni Ryza, “Natuwa rin po ako kasi ‘yong mga cancer patient po nagme-message sa akin. Nagte-thank sila na parang ‘thank you. Na-inspire kami sa ‘yo. Kahit kalbo ka hindi mo ikinahiya.”
Kaya simula noon ay lalo raw niyang pinagmalaki ang pagiging kalbo.
Matatandaang umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga netizen ang pagpapakalbo niya noong unang beses siya nagbahagi ng mga larawan niya na malayo sa kaniyang karaniwang hitsura.
MAKI-BALITA: Pagpapakalbo ni Ryza Cenon, umani ng reaksiyon