March 15, 2025

Home BALITA Eleksyon

Romualdez, nangakong mananalo senatorial candidates ni PBBM sa Leyte

Romualdez, nangakong mananalo senatorial candidates ni PBBM sa Leyte
MULA SA KALIWA: House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Bongbong Marcos (MB file photo)

Ipinangako ni House Speaker Martin Romualdez na “mananalo nang malaki” sa Tacloban City at maging sa buong Leyte ang senatorial candidates na iniendorso ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2025 midterm elections.

Sa isinagawang campaign rally ng  Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Tacloban City nitong Biyernes, Marso 14, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Romualdez na maraming boboto sa kanilang senatorial candidates dahil balwarte raw ng mga Marcos at Romualdez ang Leyte.

“Ipinapangako ko na mananalo nang malaki ang mga kandidato ng ating Pangulo dito sa Tacloban City at Leyte. We will deliver a  big victory for the Alyansa ticket,” ani Romualdez, na siyang representante ng unang distrito ng Leyte sa Kongreso.

“Malawak at matatag ang suporta sa Pangulo ng amin. I am sure that this will translate into votes for Alyansa candidates on May 12,” dagdag niya.

Eleksyon

Imee Marcos, 'di raw dadalo sa Alyansa rally dahil hindi matanggap ginawa kay FPRRD?

Binanggit din ng House leader ang nangyari noong 2022 presidential elections, kung saan 641,065 Leyteños ang bumoto noon kay Marcos, habang 99,207 lamang daw ang nakuha ng mahigpit nitong katunggali.

“Leyteños consider President BBM as one of their own,” saad ni Romualdez.

Matatandaang ang Leyte–na kasalukuyang may 1.4 milyong registered voters–ang home province ng ina ng pangulo na si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos, na minsang naging representative ng first congressional district ng lalawigan.

Samantala, binubuo ang senatorial slate na iniendorso ni Marcos nina dating DILG Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abigail Binay, Senador Pia Cayetano, dating senador Ping Lacson, Senador Lito Lapid, Senador Imee Marcos, dating Senador Manny Pacquiao, Senador Bong Revilla, dating Senate president Tito Sotto, Senador Francis Tolentino, ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo at Las Piñas Rep. Camille Villar.

Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.