Nagbigay ng pananaw ang political scientist at University of Santo Tomas (UST) professor na si Dennis Coronacion kaugnay sa hindi pagpasok ni reelectionist Senador Imee Marcos sa “Magic 12” sa resulta ng latest Pulse Asia Survey para sa 2025 elections senatorial preferences.
Sa latest episode ng “Morning Matters” ng One PH nitong Biyernes, Marso 14, ipinaliwanag ni Coronacion ang sa palagay niyang dahilan kung bakit nasa ika-14 na pwesto ng nasabing survey si Marcos sa kabila ng malaking gastos sa kampanya.
“Established na naman ‘yan na hindi porke gumastos ka nang malaki it would translate to votes. Apart from that, I think ‘yon pa rin ‘yong problema ni Senator Imee Marcos. Kasi she is identify with both camps. ‘Yong isa sa brother niya at saka sa mga Duterte,” saad ni Coronacion.
“In public, she’s [...] siding with the Dutertes,” pagpapatuloy niya. “E, alam mo mayro’n tayong…parang we don’t trust people who are namamangka sa dalawang ilog. Kasi of course, among the Duterte supporters parang they don’t trust her too much. Kasi kadugo niya pa rin ‘yong pangulo.”
Dagdag pa ng propesor, “Pero sa alyansa naman ng pangulo, tingin ko wala rin silang binibigay na full trust kay Senator Imee Marcos even sa supporters niya.”
Matatandaang kamakailan lang ay inihayag ng senadora ang pagkaawa niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong arestuhin ng International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y krimeng nagawa nito laban sa sangkatauhan.