“Bakit ngayon ang mga Pilipino hindi na nakikita yung mga namatay? Bakit napagtutunan natin ng pansin yung pinagbibintangan na pumatay at nagpapatay?”
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa kaniyang panawagang dapat isipin din ng taumbayan ang nararamdaman ng mga pamilya ng mga naging biktima ng umano’y extra-judicial killings (EJK) sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, Marso 14, sinabi ni Castro na hindi raw dapat nakatuon lamang kina Duterte at Senador Bato dela Rosa–na naging hepe ng Philippine National Police (PNP) nang iimplementa ang war on drugs sa bansa–ang atensyon ng bawat Pilipino.
“Siguro po pag-usapan din po natin yung mga diumanong biktima. Hindi puro dapat sa kanila lang naka-tuon ang atensyon ng tao,” ani Castro.
“Hindi napapansin sa ngayon, ano ang naranasan ng mga biktima? Ano ang naranasan ng mga pamilya na naiwan ang kanilang mga kamag-anak na naging diumanong biktima ng EJK?” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ng PCO undersecretary ang hindi umano pagpansin ng publiko sa mga naging biktima ng war on drugs, at sa halip at nakatuon lamang sa sitwasyon ng dating pangulo.
“Bakit ngayon ang mga Pilipino hindi na nakikita yung mga namatay? Bakit napagtutunan natin ng pansin yung pinagbibintangan na pumatay at nagpapatay?
“Bakit parang nag-glorify pa natin sa ngayon yung ang naakusahan ng murder and
crimes against humanity,” saad ni Castro.
“Sana po ang taong bayan buksan naman nila yung isip. Tingnan po nila ano ang
naramdaman ng mga tao, ng pamilya na naging biktima ng EJK,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong Martes, Marso 11, nang arestuhin si FPRRD dahil sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng drug war.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Kaugnay nito, noong 2024 nang isiniwalat ni human rights lawyer Chel Diokno na 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017, base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.
MAKI-BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD