Natimbog ng mga awtoridad ang Chinese national na nag-viral matapos sipain at mapatay ang isang pusa sa Makati City kamakailan.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, Marso 14, 2025, nabisto umano ng Bureau of Immigration (BI) na overstaying na ang naturang Chinese national, matapos nilang imbestigahan ang nag-viral niyang larawan at video hinggil sa nasabing pagkamatay ng pusa.
Sa tulong ng naging panawagan ng CARA Welfare Philippines, isang animal protection organization, na mapanagot ang Chinese National, natunton ng mga awtoridad ang suspek.
KAUGNAY NA BALITA: Pusa sa Ayala Triangle, patay matapos sipain ng Chinese National
Napag-alamang Mayo 2023 pa umano dumating sa bansa suspek at hindi na nag-renew ng tourist visa noong Setyembre 2023.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng BI ang Chinese national na nakatakda na raw ipa-deport pabalik ng China.