May mensahe ang dating senador, tumatakbong alkalde ng Caloocan City, at isa sa mga kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Antonio "Sonny" Trillanes IV sa sinumang maghahangad daw na maging lider ng bansa.
Sa X post niya nitong madaling-araw ng Huwebes, Marso 13, sinabi ni Trillanes na na-turn over na si Duterte sa custody ng ICC sa The Hague, The Netherlands.
Tinawag pa niya si FPRRD bilang "berdugo ng Davao."
"Si duterte, ang berdugo ng Davao, ay pormal nang nai-turnover sa custody ng ICC sa the Hague, Netherlands," aniya.
Mensahe naman niya sa mga nagnanais na maging lider ng bansa, " Sana po ay maging leksyon ito, sa kung sino mang maghahangad maging leader ng ating bansa, na dapat gamitin ang poder para lamang sa ikabubuti at ikauunlad ng mamamayan."
Matatandaang isa si Trillanes sa mga "nagbunyi" sa pagkakadakip ng ICC kay Duterte noong Martes, Marso 12.
"Nung 2017, nagfile ng kaso ang Magdalo sa ICC laban kay duterte. After 8 years, sa WAKAS, nahuli na rin ang berdugo."
"Sa lahat ng nakasama namin sa mahabang lakbay na ito para sa hustisya ng mga libu-libong EJK victims, maraming salamat po!" aniya pa sa kaniyang X post.