Natanong ng media si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief PMGen Nicolas Torre patungkol sa pagbibitiw ng mura sa kaniya ng dating presidential daughter na si Veronica "Kitty" Duterte, habang nasa Villamor Air Base si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos dakpin mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Martes, Marso 11.
Kumalat ang video na mismong si Kitty ang nag-upload kung saan makikitang matapang niyang pinagsalitaan ang opisyal ng CIDG habang ipinaliliwanag daw ni Torre ang pagpapasakay sa kaniya sa isang eroplano para nga dalhin na sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands.
Kinuwestyon ni Kitty kung saan dadalhin ang kaniyang ama hanggang sa murahin niya ng "T****ina ka!" si Torre.
"They are taking him out on a plane by force without considering his health conditions," mababasa naman sa caption ng video.
Sa panayam naman ng ABS-CBN News kay Torre nitong Huwebes, Marso 13, sinabi ni Torre na ayos lang daw sa kaniya ang ginawa ni Kitty.
"Ayos lang 'yon. I've seen worse. Kaya kumapal ang balat ko, sanay na 'ko sa mura eh," natatawang sabi ni Torre.
"Pagbigyan na natin. Bata pa 'yon eh... marami pa siyang maiintindihan sa mundo pagdating ng panahon, nothing personal," dagdag pa niya.