Inalmahan ni Unkabogable Star at “It’s Showtime” host Vice Ganda ang kumakalat niyang pahayag patungkol sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa latest Facebook post ni Vice noong Martes, Marso 11, ibinahagi niya ang isang art card kung saan naroon ang pahayag mula sa isang social media account na nakapangalan sa kaniya.
Ayon sa post, “Ayaw kong magpaka-hipokrito ha, aminin natin nung time ni FPRRD, karamihan ng adik nagbagong buhay, karamihan sa kriminal nag-uunahang sumuko, dahil sa takot kay Duterte.”“Confident kayong lumabas sa gabi dahil alam niyong ‘yong mga kriminal at masasamang loob nabawasan na,” dugtong pa rito.
Ngunit sabi ni Vice, “FAKE NEWS! Huwag paniwalaan ang kumakalat na pahayag na ito! Wala po akong inilabas o sinabi na ganitong statement.”
Dagdag pa niya, “Maging mapanuri at huwag basta maniwala sa impormasyong walang malinaw o opisyal na pinagmulan. Please report!”
Lumutang ang nasabing post matapos maiulat noong Martes, Marso 11, na natanggap na raw ng International Criminal Police Organization (Interpol) ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.
Ang nasabing arrest warrant na inihain sa dating pangulo ay para sa krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpapatupad niya ng kontrobersiyal na giyera kontra droga.
MAKI-BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang