Posible raw umabot sa walong taon ang itatakbo ng pagdinig sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo, ayon kay International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Kristina Conti.
Sa panayam sa kaniya ng Teleradyo Serbisyo ng ABS-CBN noong Martes, Marso 11, araw ng pag-aresto kay Duterte, sinabi ni Conti na puwedeng umabot sa walong taon ang paglilitis. Noong nagsimula raw ang ICC sa mga paglilitis na katulad nito, umabot daw sa maximum na sampung taon ang pagdinig.
"Kung trial lang, on the average, mayroon silang 8 years ng pagdinig. Average ‘yan. Noong nag-umpisa sila, maximum umabot ng 10 years. Mahaba itong proseso. Para sa ibang nag-aabang, na baka bukas may hearing na, naku hindi,” aniya pa.
Bukod dito, sinagot din ng abogado ang mga tanong tungkol sa "member state" na puwedeng malipatan ng custody ni Duterte dahil hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas.
"Wala sa amin 'yong ganoong choice. Palagay ko hindi kami ang puwedeng makapagpasiya diyan. Hindi naman kami ang mag-eenforce ng warrant o mag-aayos ng custody. Maraming security considerations, diplomatic considerations 'yan, kaya siguro maaaring ipaubaya sa Philippine government at sa kaugnayan niya, at kami ay tutugon sa kung anuman ang ginawa nila, nakaabang, nakabantay, kung anuman ang gagawin..."
Bago ang pahayag na ito, sa pamamagitan ng kaniyang X post ay sinabi rin ni Conti, na drug war victims lawyer, kung ano ang dapat na hakbang sa isang indibidwal na inaresto ng ICC sa pamamagitan ng warrant of arrest.
MAKI-BALITA: Atty. Conti, hiling 'transfer of custody' ni FPRRD sa isang ICC member state
MAKI-BALITA: ICC assistant to counsel, may pahayag tungkol sa dapat gawin sa taong inaresto ng ICC
Samantala, kinagabihan din ay nailipad na si Duterte patungong The Hague kung saan isasagawa ang paglilitis subalit nag-take off muna sila sa Dubai.