March 13, 2025

Home BALITA Politics

NA Virgilio Almario, tumula matapos ang pagkaaresto kay Duterte

NA Virgilio Almario, tumula matapos ang pagkaaresto kay Duterte
Photo Courtesy: Rio Alma (FB), via MB

Maging si National Artist for Literature Virgilio Almario ay nakisali rin sa pambansang diskurso sa pamamagitan ng pagtula tungkol sa pagkaaresto kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa latest Facebook post ni Almario nitong Miyerkules, Marso 12, ibinahagi niya ang kaniyang bagong tula na pinamagatang “Kasaysayan 111” na tila may alusyon sa ginawang pagdakip sa magkapatid na Andres Bonifacio at Procopio Bonifacio noong Mayo 10, 1897.

Narito ang kabuuan ng tula ni Almario:

Politics

Trillanes kay Duterte: 'Hindi siya inapi!'

ℎ ℎ ℎ ℎ.

Akala ko’y Mayo 10, 1897 ang tinutukoy ng Senador Bong Go

Noong pataksil na arestuhin ang Supremo,

Daglian at lihim na litisin, at paslangin sa liblib na bundok,

Para agawin ang Himagsikan ng pangkating mayaman at edukado.

Nagtagumpay naman sina Aguinaldo para ibenta sa Biyak-na-Bato

Ang Sigaw ng Bayan;

At pagkaraan, isuko ang kaniláng Republikang Basáhan

Sa bagong Imperyalistang mula rin sa Kanluran.

O talagang nauulit ang kasaysayan?

Hindi naman alam ng mapagmalasakit na senador

Ang nangyari sa Cavite at ang pagtataksil ng mga kampon

Ng huwad na lider—magiting, hindi nagmumura, at kabataan pa.

Kompara sa kanilang panginoong matanda na, marumi ang bokadura,

At nagpapatay diumano sa libo-libong suspek na durugista.

Hindi rin ililibing sa bundok ang kaniláng Tatay;

Sa halip, dadalhin sa Hague at marahil lilitising matagal.

Kayâ sabi ni Robin, sasáma siya sa Hague dahil mas masarap ang búhay

At pagkain doon kaysa natikman

Ni Leila, at lalo na, ng mga kabataang biktima ng tokhang.

Subalit may babala rin noon pa si Aling Oryang:

“Mag-ingat sa paniningil ng kasaysayan.”

Iyon siguro ang sanhi ng pag-iyak ni Badoy at ni Bato

At nalilitong paghahanap ng pizza ni Bong Go.

Kung sa bagay, walâ pang naparusahan sa krimen ng siglo

Noong paslangin ang bayaning Supremo.

Matanda na rin ako para maghintay ng katarungan,

Para sa Davao o  para sa Tundo man,

At napakabagal maglitis ang kasaysayan.

(May piring pa at walâng rolex ang may-hawak ng timbangan.)

Si Almario ang umakda sa ilang aklat ng mga tulang tulad ng “Makinasyon,” “Peregrinasyon,” “Doktrinang Anakpawis,” at “Mga Retrato at Rekwerdo.” 

Sa isang panayam kamakailan, binanggit ng Pambansang Alagad ng Sining na ang kaniyang pagtula ay isa umanong kampanya para hikayatin ang publiko na bumoto nang mahusay sa darating na eleksyon. 

MAKI-BALITA: Edukasyon, susi para makaahon sa kahirapan at kamangmangan –NA Virgilio Almario