Ipinahayag ng Presidential Communications Office (PCO) na inihain ng Prosecutor General nitong Martes, Marso 11, ang International Criminal Court (ICC) notification para sa isang arrest warrant kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa “krimen laban sa sangkatauhan.”
Sa isang pahayag, kinumpirma ng PCO na natanggap na ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest kay Duterte mula sa ICC nitong Martes ng madaling araw.
MAKI-BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang
Matatandaang nitong Martes ng 9:20 ng umaga nang dumating si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hong Kong.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” pagkumpirma ng PCO.
Tiniyak din ng PCO na nasa mabuting kalusugan si Duterte at kaniyang grupo.
Kasalukuyan na raw na nasa kustodiya ng mga kinauukulan ang dating pangulo sa Villamor Air Base.
Matatandaang iniimbestigahan ng ICC ang umano’y mga paglabag sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.