Naglabas ng pahayag si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong lumapag sa Pilipinas mula Hong Kong.
Sa Facebook post ni Hontiveros nitong Martes, Marso 11, sinabi niyang pinanghahawakan daw niya ang sinabi ni Duterte na haharapin ang kasong isinampa sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).
“Pinanghahawakan ko ang mga sinabi ni dating Pangulong Duterte, under oath, na haharapin niya ang kaso sa International Criminal Court. Sana, bilang abugado, siya ay sumunod sa mga proseso nito,” saad ni Hontiveros.
Umaasa rin daw siyang tutuparin ng Malacañang ang pakikipagtulungan sa ICC sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol) at titiyakin ang pagpapagulong ng hustisya.
Dagdag pa ng senadora, “Sana ay simula pa lang ito ng paghahabol sa lahat ng mga opisyal at kawani ng gobyerno na responsable sa pagpatay sa inosente o walang kalaban-laban.”
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang arrest warrant na inihain sa dating pangulo ay para sa krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpapatupad nito ng kontrobersiyal na giyera kontra droga.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO