Kinumpirma ng Malacañang na natanggap na ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Marso 11, sinabi nitong kaninang madaling araw nang matanggap ng INTERPOL Manila ang naturang warrant of arrest laban kay Duterte.
Kaninang 9:20 ng umaga nang dumating si Duterte sa Ninoy Aquino Internaitonal Airport (NAIA) mula sa Hong Kong.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” anang PCO.
“Ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doctor ng gobyerno. Sinigurado na siya ay nasa maayos na kalagayan.”
Sinabi rin ng PCO na tiniyak na may suot na body camera ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng warrant sa dating pangulo.
“Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng mga kinauukulan,” saad pa nito.