“Ayaw kaming papasukin…”
Kinumpirma ni Senador Bong Go na nagpunta siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa pagdating ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Hong Kong ngunit hindi raw sila pinapasok ng mga pulis.
Sa Facebook live ni Go nitong Martes, Marso 11, sinabi ni Go na kasama niya sa pagpunta sa NAIA ang personal physician ng dating pangulo upang siguruhin daw na nasa mabuti itong kalagayan.
“Nandito po kami ngayon ni Dra. Agnes. Sisiguraduhin lang namin na maayos po ang kalusugan ng dating pangulong Duterte. Actually, scheduled po siya bukas ng medical check-up niya, may gagawin procedure sa kaniya bukas dito po sa hospital sa Cardinal,” ani Go.
“Kaya po siya tumuloy at kailangan niyang magpa-check-up talaga. Regular check-up. Si Dr. Agnes siya ang personal physician ni dating pangulong Duterte for the last 20 years. Dito po kami, dito si Secretary Belio. Kaya lang ayaw kaming papasukin,” dagdag niya.
Saad pa ng senador: “Hindi kami makapasok. Pinagbawalan kaming pumasok. Kinancel lahat ng pass namin.”
Kasalukuyang usap-usapan ang umano’y pag-aresto kay Duterte dahil sa warrant of arrest daw ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.
Samantala, bagama’t hindi binanggit ni Go sa naturang live ang tungkol sa ICC, sinabi niyang “pinaaaresto” umano si Duterte.
“Alam n’yo nakakalungkot. Sabi ko nga sa mga pulis, ipapaaresto nila yung taong ginawa lang ang trabaho niya para sa bayan, sinakripisyo niya lahat. Totoo yung sinabi niya, ginawa niya ito para sa ating mga anak,” saad ni Go.
Habang isinusulat ito’y wala pang kumpirmasyon kung nagpadala na ng warrant of arrest ang ICC sa dating pangulo.